--Ads--

Mahigpit na ipinatutupad ngayon ng mga awtoridad ang paglalagay ng vertical clearance at limitasyon sa mga sasakyang maaaring dumaan sa Alicaocao Bridge sa Lungsod ng Cauayan, bilang hakbang upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang tuluyang pagkasira ng tulay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, mahigit 30 taon na ang naturang tulay at ilang beses na rin itong sumailalim sa rehabilitasyon.

Dahil dito, kinakailangan na umanong limitahan ang mga sasakyang pinapayagang dumaan upang hindi na lumala ang kondisyon nito.

Sa ilalim ng ipinatutupad na patakaran, tanging mga light vehicles na lamang ang pinapayagang dumaan sa tulay, habang mahigpit namang ipinagbabawal ang mga sasakyang may bigat na lampas sa limang tonelada.

--Ads--

Dagdag pa ni Mallillin, mas delikado kung sakaling bumigay ang tulay habang may mga sasakyang dumaraan, na maaaring magdulot ng malaking pinsala sa buhay at ari-arian.

Samantala, tiniyak naman ng pamahalaang lungsod na kasalukuyang isinasagawa ang konstruksyon ng dalawang bagong all-weather bridges na inaasahang makatutulong sa daloy ng trapiko sa hinaharap.

Kapag natapos ang mga ito, magiging mas ligtas at mas maayos na ang pagbiyahe ng mga motorista, kahit sa panahon ng masamang lagay ng panahon.

Sa ngayon, patuloy namang pinapaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na sumunod sa ipinatutupad na regulasyon habang isinasagawa ang mga hakbang para sa pagpapanatili ng Alicaocao Bridge.