Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Department of Education o DepEd kaugnay ng naiulat na pamamaril sa Banga National High School sa Banga, South Cotabato nitong Biyernes.
Ayon sa DepEd, pangunahing prayoridad nito ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral, guro at iba pang personnel ng paaralan.
Nakikipag-ugnayan na umano ang ahensya sa Schools Division Office, Regional Office, mga lokal na awtoridad at law enforcement agencies upang beripikahin ang mga detalye at pangyayari sa insidente at matiyak ang kinakailangang tulong sa mga apektado.
Inihayag din ng DepEd na nakahanda itong magbigay ng psychological first aid at mental health at psychosocial support sa mga naapektuhan ng insidente.
Samantala, nanawagan ang ahensya sa publiko na manatiling kalmado at iwasang magpakalat ng mga hindi pa beripikadong impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Binigyang-diin ng DepEd na nananatiling pangunahing prayoridad nito ang kaligtasan ng bawat mag-aaral at miyembro ng school community.










