--Ads--

Kinuwestiyon din ng depensa ang pagbibigay-kahulugan ng prosekusyon sa terminong “neutralization” na ginamit sa Command Memorandum Circular No. 16-2016 ng Philippine National Police (PNP).

Ayon dito, matagal nang ginagamit ang naturang termino sa mga dokumento ng pulisya at militar bago pa maupo si Duterte bilang Pangulo, at hindi ito nangangahulugang pagpatay sa lahat ng pagkakataon.

Samantala, iginiit ni Haynes na may sapat na mekanismo ng hustisya sa Pilipinas upang magsagawa ng imbestigasyon at paglilitis kaugnay ng mga kasong pagpatay.

Bilang patunay, itinuro ng depensa ang mga kasong naihain na sa mga lokal na korte at ang pagkakatatag ng Philippine Truth and Reconciliation Commission, na pinamumunuan ng dating ICC judge na si Raul Pangalangan.

--Ads--

Dahil dito, iginiit ng kampo ni Duterte na dapat manatili sa hurisdiksiyon ng mga korte sa Pilipinas ang pag-usig sa mga responsable sa mga pagpatay, sa halip na dalhin ang mga kaso sa isang internasyonal na hukuman.

Sa kabilang banda, naninindigan ang prosekusyon ng ICC na ang mga pagpatay ay bahagi ng umano’y malawakan at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyang pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga.

Noong Abril 23, 2026, kinumpirma ng ICC Pre-Trial Chamber I ang tatlong sakdal ng crimes against humanity laban kay Duterte, dahilan upang magpatuloy ang kaso sa susunod na yugto ng proseso ng paglilitis.

Gayunman, hindi nangangahulugan ang pagkumpirma sa mga sakdal na napatunayan na ang pagkakasala ng dating Pangulo.

Nakatakdang simulan ang paglilitis sa Nobyembre 30 sa The Hague, Netherlands. Inaasahang ilalahad dito ng prosekusyon ang mga testigo at iba pang ebidensiyang gagamitin nito upang patunayan ang mga paratang laban kay Duterte.