Isang anak ng tricycle driver at housewife ang nakapasok sa topnotchers’ list ng Psychometricians Licensure Examination matapos makamit ni Arwin Marzan Agnes ang Rank 6 sa naturang pagsusulit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Agnes, sinabi niyang hindi siya makapaniwala nang makita ang resulta dahil ang ipinagdasal lamang niya ay makapasa sa licensure examination kasama ang kanyang mga kaibigan.
Nagtapos siya bilang Summa Cum Laude sa Isabela State University-Echague Campus noong Hulyo at inialay ang kanyang tagumpay sa kanyang mga magulang na nagsilbing inspirasyon niya sa pag-aaral.
Ibinahagi rin ni Agnes na isa sa pinakamalaking hamon na kanyang hinarap ay ang problemang pinansyal. Anak siya ng isang tricycle driver at housewife at tatlo silang magkakapatid na sabay-sabay na nag-aaral.
Sa kabila nito, patuloy siyang nagpu-pursigi upang makatulong na maiangat ang kalagayan ng kanilang pamilya.
Samantala, sinabi rin ni Agnes na hindi siya sumunod sa mga karaniwang pamahiin ng ilang board examinee gaya ng pagsusuot ng pulang underwear, pagsipa sa upuan matapos ang pagsusulit at pagpapahasa ng lapis sa mga topnotcher.
Sa halip, umasa siya sa masusing paghahanda, pagsagot ng maraming practice tests at pag-aalaga sa kanyang kalusugan habang naghahanda para sa board exam. Aniya, hindi lamang kanya ang tagumpay na ito kundi para rin sa lahat ng taong sumuporta at naniwala sa kanya.





