Nanindigan ang mga nagbabarikada sa Kasibu, Nueva Vizcaya na ipagpapatuloy ang kanilang pagtutol sa mining exploration ng North Luzon Mining Resources Corporation (NLMRC), sa gitna ng inaasahang paglalabas ng Temporary Restraining Order o TRO laban sa kanilang hanay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Florentino Daynos ng Anti-Mining Group, sinabi nitong nakahanda ang mga residente na harapin ang posibleng pagpapatupad ng TRO, kabilang ang inaasahang pagtutol ng mga nagbabarikada, gaya umano ng nangyari sa Dupax del Norte.
Aniya, ayaw nilang magkaroon ng mining activities sa kanilang lugar at handa silang ipaglaban ang kanilang lupa at kabuhayan. Sa kasalukuyan, may walong barikada sa Kasibu.
Ayon kay Daynos, hihintayin muna nila ang paglalabas ng TRO bago magsumite ng motion for reconsideration. Aniya, nakadepende sa nilalaman ng kautusan kung aling mga lugar ang saklaw nito, at handa ang mga lider ng grupo na harapin ang mga posibleng legal na kahihinatnan.
Matatandaang nagpulong nitong Oktubre 26 ang mga residente mula sa walong barangay na sakop ng exploration permit ng NLMRC, kasama sina Vice Mayor Chito Bumolo at ilang miyembro ng Sangguniang Bayan, upang talakayin ang kanilang pangamba sa posibleng TRO at epekto ng mining exploration sa kanilang kabuhayan.
Dagdag pa ni Daynos, mayroon silang mga titulo at dokumentong nagpapatunay sa pagmamay-ari ng mga lupang sangkot sa usapin. Tiniyak niyang magpapatuloy ang kanilang pagkilos upang maprotektahan ang kanilang mga karapatan, lupa, at kabuhayan.









