Kinasuhan si Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao at ilang environmental advocates kaugnay ng kanilang pagtutol sa isinasagawang exploration activities ng North Luzon Minerals Resources Corporation (NLMRC) sa bayan ng Kasibu, Nueva Vizcaya.
Ayon sa mga ulat, may kaugnayan ang kaso sa planong pagmimina at exploration sa humigit-kumulang 4,456 ektaryang lupain na saklaw ng mga barangay Pao, Kakidugen, Pacquet, Dine, at Catarawan sa Kasibu.
Matagal nang kilala si Bishop Mangalinao sa pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at sa pagtatanggol sa mga komunidad na posibleng maapektuhan ng mga proyektong pagmimina.
Kabilang din sa mga sinampahan ng kaso sina Fr. Christian Dumangeng, dating Social Action Director ng Diocese of Bayombong at kasalukuyang station manager ng Radyo Veritas Bayombong; Florentino “Tinong” Daynos, isang anti-mining advocate; at anim pang indibidwal. Iniuugnay sila sa umano’y pagpapanatili ng isang iligal na barikada sa loob ng Bugkalot/Ilongot ancestral domain bilang bahagi ng pagtutol sa exploration activities.
Ang kasong sibil na “Forcible Entry with Temporary Restraining Order, Writ of Preliminary Injunction, at Writ of Preliminary Mandatory Injunction” ay isinampa ni Rosario Camma, sa kanyang personal na kapasidad at bilang overall chieftain ng Bugkalot/Ilongot Indigenous Peoples/Indigenous Cultural Communities (IPs/ICCs), sa Municipal Trial Court ng Kasibu na pinamumunuan ni Judge Herson Valmores.
Gayunman, hindi pinayagan ng korte ang hinihinging Temporary Restraining Order (TRO). Ayon sa desisyon ng hukuman, walang sapat na batayan upang agad maglabas ng TRO, ngunit itinakda ang pagdinig para sa kahilingan ng writ of preliminary injunction sa Hunyo 23.
Samantala, iginiit ni Atty. Fidel Santos, abogado ng mga respondent at isa ring environmental advocate, na maituturing na Strategic Lawsuit Against Public Participation (SLAPP) ang naturang kaso. Aniya, maaaring ginagamit ang ganitong uri ng kaso upang takutin o pahinain ang loob ng mga indibidwal at grupong nagsusulong ng mga usaping pangkalikasan at pampubliko.
Sa kabila ng kaso, sinabi ni Santos na mananatiling matatag ang kanilang paninindigan sa pangangalaga ng kalikasan at pagtatanggol sa mga komunidad na maaapektuhan ng pagmimina.
Matatandaang ilang ulit nang nagpahayag si Bishop Mangalinao ng suporta sa pangangalaga sa kalikasan at sa karapatan ng mga katutubong pamayanan na apektado ng mga proyektong may kaugnayan sa pagmimina at kapaligiran.











