--Ads--

Inihayag ng mga anti-mining group sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya na walang anumang koneksyon o ugnayan sa mga rebeldeng grupo kaugnay ng isyu ng pagmimina sa kanilang lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Florentino Daynos, lider ng anti-mining group, sinabi niya na ayon sa mga kapulisan, wala namang naitalang sightings ng insurgency sa Dupax del Norte.

Tiniyak ni Daynos na hindi mahihikayat ang kanilang grupo sa kanilang adhikain, at ang tanging layunin nila ay pigilan ang Woogle Corporation sa pagmimina sa Brgy. Bitnong. Aniya, lahat ng kanilang hakbang ay legal,  maayos, at hindi nakatuon sa anumang pananaw ng insurhensiya.

Iginiit niya na titiyakin nilang walang buhay ang mapapariwara o masasayang sa kanilang pakikipaglaban para mapigilan ang pagpasok ng kompanya sa lugar.

--Ads--

Kung sakaling may makialam na grupo na may kakaibang intensyon, siya bilang lider ang pangunahing target, ngunit wala siyang balak na umanib sa anumang armadong aktibidad dahil may pamilya siyang iniingatan.

Ayon pa kay Daynos, ang kanilang layunin ay ipaglaban ang hangarin ng grupo para sa kalikasan at kapakinabangan ng susunod na henerasyon, sa kabila ng mga karahasan tulad ng pag-aresto sa kanya at sa anim pa niyang kasamahan.

Laking pasasalamat nila dahil may mga magagaling na abugado na tumutulong sa kanila upang matiyak na sumusunod pa rin sa batas ang bawat hakbang na kanilang ginagawa.

Nanindigan siya na hindi kaguluhan ang nais ng mga mamamayan na anti-mining, kundi isang maayos at mapayapang proteksyon sa kapaligiran ng Dupax Del Norte.