Nanindigan ang mga residente at miyembro ng anti-mining group na ipagpapatuloy ang pagbabantay sa kanilang mga barikada sa Kasibu, Nueva Vizcaya sa kabila ng inilabas na temporary restraining order o TRO na nag-uutos sa kanila na alisin ang mga harang o barikada sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bro. Florentino Daynos, lider ng anti-mining group, sinabi nitong habang isinasagawa ang pagdinig sa Regional Trial Court Branch 37 sa Bayombong, Nueva Vizcaya ay nauna nang nagtungo ang mga pulis sa lugar dakong alas-4 ng madaling araw upang ihanda ang pagpapatupad ng kautusan.
Ayon kay Daynos, tinangka ng mga awtoridad na alisin ang mga barikada sa paniniwalang nakaharang ang mga ito sa isang pampublikong kalsada.
Gayunman, iginiit niyang may mga dokumento, titulo at resulta ng survey na nagpapatunay umanong pribadong pag-aari ng pamilya Dugay ang lupang kinatatayuan ng mga barikada.
Aniya, may pahintulot din umano ang may-ari ng lupa sa pagtatayo ng mga harang upang pigilan ang pagpasok ng mga tauhan at kagamitan ng North Luzon kaugnay ng planong mining exploration.
Sa kabila ng presensya ng maraming pulis, sinabi ni Daynos na hindi tuluyang naalis ang mga barikada dahil nanatili ang mga residente sa lugar.
Samantala, iginiit ni Daynos na isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtutol ng mga residente ay ang kawalan umano ng sapat na konsultasyon sa mga komunidad na saklaw ng 4,456-hectare permit area ng kumpanya.
Ayon sa kaniya, walong barangay ang saklaw ng naturang lugar ngunit dalawa lamang umano ang nakonsulta, habang binawi na rin ng Barangay Katipunan ang nauna nitong certification of consultation at pinalitan ito ng certification of presentation.
Ipinaliwanag niyang magkaiba ang simpleng presentasyon ng proyekto at ang aktuwal na konsultasyon kung saan kinukuha ang saloobin at pagsang-ayon ng mga apektadong residente.
Samantala, dahil kabilang si Daynos sa mga naserbisyuhan ng TRO, hindi muna siya maaaring magtungo sa mismong lugar ng barikada.
Gayunman, patuloy umano siyang nakikipag-ugnayan sa mga residente sa pamamagitan ng internet at nagbibigay ng paalala na manatiling mahinahon at iwasan ang anumang karahasan.
Nanawagan din siya sa Philippine National Police na pairalin ang maximum tolerance at manatiling neutral sa gitna ng sigalot.
Inihayag pa ni Daynos na bukod sa mga legal na hakbang na kanilang isinasagawa, ipagpapatuloy din ng kanilang grupo ang pagbabantay sa barikada bilang pagpapahayag ng kanilang pagtutol sa mining exploration.
Iginiit naman niyang hindi nila tinututulan ang pagmimina sa pangkalahatan, subalit naniniwala silang dapat itong isagawa sa angkop na lugar at alinsunod sa mga itinakdang proseso, nang hindi isinasakripisyo ang kaligtasan, kabuhayan at kapakanan ng mga residente.
Sa panig naman ng grupo, tiniyak ni Daynos na ipagpapatuloy nila ang kanilang legal na laban at panawagan laban sa planong large-scale mining sa Kasibu.








