--Ads--

Pansamantalang ipinagbawal ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan ang backyard slaughtering ng mga baboy at pagbebenta o pagdadala ng pork at pork by-products ng mga ambulant at mobile vendors bilang hakbang upang maiwasan ang pagpasok at pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa lungsod.

Nakasaad ito sa Executive Order No. 69 Series of 2026 na nilagdaan ni Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. , matapos matukoy ng City Veterinary Office ang outbreak ng ASF sa isang bayan sa lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ronald Dalauidao, City Veterinary Officer ng lungsod, ipinaliwanag nitong layunin ng mga hakbang na maprotektahan ang industriya ng pag-aalaga ng baboy sa lungsod laban sa naturang sakit.

Sa ilalim ng kautusan, pansamantalang ipinagbabawal ang pagkakatay ng baboy para sa personal o komersyal na paggamit sa mga backyard. Tanging ang slaughtering sa city abattoir ang pinapayagan.

--Ads--

Ipinagbabawal din ang pagpasok, pagbebenta at paglalako ng pork at pork by-products sa pamamagitan ng ambulant at mobile vendors sa loob ng territorial jurisdiction ng lungsod.

Inatasan naman ang mga punong barangay at iba pang barangay officials na agad i-report sa City Veterinary Office ang anumang hindi maipaliwanag o biglaang pagkamatay ng mga baboy sa kanilang nasasakupan.

Patuloy din ang disease surveillance at monitoring activities ng City Veterinary Office katuwang ang Provincial Veterinary Office, Department of Agriculture Regional Field Office No. 2, Bureau of Animal Industry at iba pang concerned agencies.

Inatasan din ang mga tanggapan ng lokal na pamahalaan, mga barangay at law enforcement agencies na tumulong sa mahigpit at epektibong pagpapatupad ng kautusan bilang bahagi ng mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng ASF at maprotektahan ang mga hog raisers at industriya ng babuyan sa Cauayan City.