--Ads--

Pinaigting ng Santiago CTFRB ang pagpapaskil at pamamahagi ng bagong provisional fare matrix ng mga tricycle, kasunod ng implementasyon nito noong Agosto 31.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay CTFRB focal spokesperson Russel Quines, ipinamamahagi na ang bagong provisional permit at opisyal na taripa bilang batayan ng tamang singil sa mga pasahero.

Layunin nitong maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa pamasahe, lalo na sa mga rutang magkakaiba ang singil depende sa destinasyon.

Libreng ipinamahagi ng CTFRB ang bagong taripa sa mga tricycle sa buong lungsod, habang patuloy ang pagpapaskil nito sa mga barangay, terminal at iba pang mataong lugar. Ginagamit din ang social media, mga karatula at tarpaulin para sa information campaign.

--Ads--

Ayon sa CTFRB, mahalaga ito upang mabawasan ang overcharging at iba pang paglabag, lalo na’t naging sanhi na ng pagtatalo ng ilang driver at pasahero ang usapin sa pamasahe.

Sa ngayon, ang bagong provisional fare matrix ang opisyal na batayan sa paniningil ng pamasahe sa Santiago City, kaya hinihikayat ang mga pasahero na tingnan ang nakapaskil na taripa bago magbayad.