Pinalalawak ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang pagpapakalat ng hotline numbers ng iba’t ibang himpilan ng Pulisya sa lalawigan ng Isabela para mas maging accessible sa publiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, Information Officer ng Isabela PPO, sinabi nito na layunin ng naturang hakbang na mas mapabilis ang pag-uulat ng publiko ng mga naitatalang insidente sa kanilang nasasakupan para sa mas mabilis na pagresponde ng mga kapulisan.
Aniya, nagpapaskil ang kanilang mga personnel ng hotline numbers sa mga matataong lugar gaya na lamang sa mga commercial establishments, paaralan, at maging sa mga transport vehicles.
Ayon kay PCapt. Topinio, may ilang mga pagkatataon na hindi agad naitatawag sa mga awtoridad ang ilang mga insidente na nangangailangan ng agarang pagresponde dahil sa kawalan ng hotline number ng ilang mga concerned citizen kaya mainam din aniya na sa ngayon ay mayroon nang 911.
May mga pagkakataon din na idinadaan na lamang sa social media ng ilang residente ang pagsasapubliko ng isang insidente sa pamamagitan ng pag-post o pag-live na agad namang bineberipika ng mga kapulisan.
Samantala, maigtin din ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng Isabela Police Provincial Office sa mga paaralan para sa mas maigting na seguridad kasunod ng mga naipaulat na insidente ng karasahan sa ilang paaralan sa bansa.
Nagsasagawa rin ang mga kapulisan ng mga lectures sa mga estudyante na may kaugnayan sa anti-bullying, sexual violence, at ibang usapin na maaaring maging banta sa kapakanan ng mga kabataan.











