Ikinagalak ni Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III ang pagkakahalal sa kanya bilang bagong national chairperson ng League of Provinces of the Philippines (LPP), bagama’t aminadong madadagdagan ang kanyang mga responsibilidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Albano, sinabi niyang kabilang sa kanyang mga prayoridad ang pagpapalakas sa mga local government unit (LGU) sa buong bansa upang mas epektibong matugunan ang mga suliranin ng mga lalawigan.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga gobernador sa pagsusulong ng mga solusyon, lalo na sa mga hamong dulot ng inaasahang El Niño.
Bago maglatag ng mga hakbang, aalamin muna umano niya ang pulso ng mga lokal na opisyal, mula sa mga gobernador hanggang sa mga lider ng barangay, upang matukoy ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Ayon kay Gov. Albano, kailangang makabuo ng mga konkretong solusyon sa mga paulit-ulit na problema sa mga lalawigan at sama-samang ipaglaban ang mga kinakailangang programa sa pambansang pamahalaan.
Samantala, nahalal din si Nueva Vizcaya Governor Jose V. Gambito bilang regional chairperson ng LPP para sa Cagayan Valley, habang si Ilocos Norte Governor Cecilia A. Marcos naman ang senior vice president para sa Northern Luzon.
Pinalitan ni Gov. Albano sa pamumuno ng LPP si yumaong Quirino Governor Dakila Carlo E. Cua.










