Isang bagong silang na sanggol na lalaki ang natagpuan sa isang creek sa Brgy. Ambatali, Ramon, Isabela kaninang umaga, Pebrero 23, 2026, sa hindi pangkaraniwang pangyayari na nagdulot ng pagkabahala sa komunidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jay-Ar Olya-on, Chief of Police ng Ramon Police Station, sinabi niya na isang concerned citizen ang napadaan sa lugar at napansin ang isang palanggana na iniwan sa gilid ng sapa.
Dahil sa kuryosidad, nilapitan niya ito at laking gulat nang makita ang buhay na bagong silang na sanggol na nakabalot sa isang tuwalya.
Agad niya itong ipinaalam sa mga opisyal ng barangay, na kaagad namang nakipag-ugnayan sa Ramon Police Station. Mabilis na rumesponde ang pulisya upang beripikahin ang insidente at tiyakin ang kaligtasan ng sanggol.
Sa kasalukuyan, pansamantalang nasa pangangalaga ng RHU Ramon ang sanggol upang mabigyan ng agarang atensyong medikal, kabilang na ang regular na pagpapasuso at obserbasyon ng kalusugan, habang hinihintay ang kaukulang disposisyon mula sa mga kinauukulan.
Kasabay nito, aktibong nakikipag-ugnayan ang pulisya sa mga karatig na barangay upang matukoy ang posibleng ina, lalo na ang mga buntis o mga babaeng kamakailan lamang ay nanganak, upang maipagpatuloy ang imbestigasyon at tuluyang makilala ang magulang ng bata.
Nananawagan ang pulisya sa publiko na sinumang may impormasyon tungkol sa insidenteng ito ay makipag-ugnayan agad sa kanila upang mabigyan ng hustisya ang sanggol at mapanagot ang responsable sa pag-abandona.











