--Ads--

Iba’t ibang reaksyon ang lumutang mula sa mga motorista kaugnay ng ipinatutupad na bagong traffic scheme sa Lungsod ng Cauayan, kung saan may ilang driver na nananawagang ibalik na lamang ang dating sistema ng daloy ng trapiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rommel Siva, isang tricycle driver, sinabi nitong nauunawaan niya ang layunin ng lokal na pamahalaan na mabawasan ang pagsisikip ng trapiko sa lungsod. Gayunman, aminado siyang may mga hamon na dulot ang bagong traffic scheme sa kanilang hanapbuhay.

Ayon kay Siva, mas humahaba na ngayon ang kanilang ruta dahil sa mga bagong one-way at rerouting measures. Dahil dito, napipilitan silang dumaan sa mas malalayong kalsada upang makarating sa kanilang destinasyon, bagay na nagdudulot ng dagdag na gastos sa gasolina at mas mahabang oras ng biyahe.

Aniya, nakaaapekto rin ito sa kanilang kita dahil nababawasan ang bilang ng kanilang mga pasada sa loob ng isang araw. Dagdag pa niya, nalilito pa rin ang ilang motorista at pasahero sa mga ipinatutupad na pagbabago, lalo na ang mga hindi pa sanay sa bagong ruta.

--Ads--

Dahil dito, umaasa si Siva at iba pang mga driver na muling rerepasuhin ng mga kinauukulang awtoridad ang kasalukuyang traffic scheme at isasaalang-alang ang mga hinaing ng mga motorista upang makahanap ng mas epektibong solusyon sa problema sa trapiko sa lungsod.