Lumakas na bilang ganap na bagyo o typhoon ang Bagyong Francisco habang patuloy itong kumikilos sa karagatan sa silangan ng Gitnang Luzon.
Namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,055 kilometro silangan ng Central Luzon taglay ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 150 kilometro kada oras. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Sa ngayon ay wala pang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa anumang bahagi ng bansa.
Gayunman, sinabi ng PAGASA na bagama’t malabong direktang makaapekto sa bansa ang bagyo ngayong araw, posible namang magsimula bukas ang malalakas na pag-ulan dulot ng pinalakas na Habagat o Southwest Monsoon.
Inaasahang makararanas ng malakas hanggang matinding pag-ulan ang ilang bahagi ng Northern Luzon at mga kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.
Posible ring itaas ang Signal Number 1 bukas ng umaga sa ilang lugar sa hilaga at silangang bahagi ng Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands at Batanes.
Samantala, patuloy na magdadala ng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin ang Habagat sa mga lugar na kabilang ang Siquijor, Camiguin, katimugang bahagi ng Bohol, Southern Leyte, Davao Oriental, Davao Occidental at Sarangani.
Inaasahan pang lalo itong lalakas hanggang Martes bago unti-unting humina habang kumikilos patungo sa katimugang bahagi ng Japan.
Pinapayuhan ang publiko at mga lokal na opisyal na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso at kautusan ng mga awtoridad lalo na sa mga lugar na madaling bahain at magkaroon ng pagguho ng lupa.











