--Ads--

Bahagyang humina ang Bagyong Inday habang patuloy itong kumikilos pahilagang-kanluran sa Philippine Sea, ayon sa pinakahuling ulat ng DOST-PAGASA.

Alas-10 ng umaga, tinatayang nasa layong 865 kilometro silangan ng Northern Luzon ang sentro ng bagyo, taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 165 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso hanggang 205 kilometro kada oras.

Kumikilos ang bagyo pahilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Nananatili naman ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Batanes kung saan posible ang gale-force winds o malalakas na hangin na maaaring magdulot ng minor hanggang moderate na banta sa buhay at ari-arian.

--Ads--

Nasa ilalim naman ng Signal No. 1 ang Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, hilagang-silangang bahagi ng Quirino, Apayao, Ilocos Norte at iba pang bahagi ng Northern Luzon, gayundin ang ilang lugar sa Cordillera at Bicol Region.

Ayon sa PAGASA, inaasahang mananatili bilang bagyo ang Inday habang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility at maaaring pinakamalapit sa Extreme Northern Luzon mula Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga.

Kasabay nito, nagbabala ang ahensya sa malalakas na ulan, pagbugso ng hangin, at mapanganib na kondisyon ng karagatan lalo na sa hilaga at silangang bahagi ng Luzon.

Pinayuhan ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na iwasang pumalaot habang nananatiling maalon ang karagatan dahil sa banta ng bagyo.