--Ads--

Nagdulot ng malalakas na pag-ulan at hangin ang Bagyong Noul matapos mag-landfall sa timog bahagi ng China nitong Linggo ng madaling araw, na nagbunsod din sa pagkansela ng ilang flight sa Hong Kong.

Ayon sa mga awtoridad, mahigit 340,000 residente sa Guangdong Province ang inilikas bilang paghahanda sa epekto ng bagyo.

Ang Noul ang ika-12 tropical cyclone ngayong taon at ikatlong bagyong tumama sa China ngayong buwan.

Bagama’t humihina na ang bagyo, patuloy pa ring nakararanas ng malalakas na hangin at pag-ulan ang Hong Kong, ayon sa Hong Kong Observatory.

--Ads--

Mayroon ding inilabas na Amber Rainstorm Warning dahil sa banta ng flash flood o biglaang pagbaha bunsod ng malakas na buhos ng ulan.

Nakapagtala ang Hong Kong ng mahigit 30 millimeters na ulan kada oras at inaasahang magpapatuloy pa ang sama ng panahon sa mga susunod na oras.

Dahil sa paglapit ng bagyo sa loob ng 80 kilometro ng Hong Kong, pansamantalang itinaas ng mga awtoridad ang Typhoon Signal No. 9 bago ito ibinaba sa Signal No. 8 bandang alas-7:10 ng umaga.