--Ads--

CAUAYAN CITY- Natagpuan ang wala nang buhay na katawan ng isang lolo na palutang-lutang sa ilog na bahagi ng Brgy. Abra, Santiago City, Isabela.

Ang biktima ay isang pitumpu’t limang taong gulang na lolo na mula sa Cauayan City at pansamantalang naninirahan sa nabanggit na barangay.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Santiago City Police Office Station 2, napag-alaman na bago ang pagkakatagpo sa biktima ay hinanap muna siya nang kanyang anak matapos siyang hindi makita sa kanilang tinitirahan.

Nakita na lamang umano niya ang gamit ng biktima gaya ng tsinelas, damit at eyeglass sa tabi ng ilog malapit lamang sa kanilang bahay.

--Ads--

Dito na naghinala ang pamilya na baka nalunod ang biktima kaya’t humingi na sila ng tulong sa kanilang mga kabarangay at matapos ang ilang oras na paghahanap ay nakita ang katawan ng biktima isang kilometro mula sa kanilang bahay.

Ayon sa pulisya may kasama naman umano ang biktima sa kanilang bahay na kanyang mga apo na pawang mga menor de edad.

Hindi naman na isasailalim sa autopsy ang bangkay ng biktima dahil kumbinsido umano ang kanyang mga kaanak na namatay siya dahil sa pagkalunod.