--Ads--

Mananatili sa kulungan si dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. sa kabila ng pagpayag ng Manila Regional Trial Court na makapagpiyansa siya at ang dalawa niyang co-accused kaugnay ng kasong pagpatay noong 2019 sa umano’y dati niyang hitman.

Sa resolusyon na may petsang Abril 15, pinaboran ng Manila RTC Branch 30 sa pamumuno ni Presiding Judge Ryan Philip Bartolome ang magkahiwalay na petisyon para sa piyansa nina Teves at ng kanyang mga kasamang sina Richard Cuadra at Rolando Pinili, matapos mabigong patunayan ng prosekusyon ang matibay na ebidensya laban sa kanila.

Gayunman, hindi pa rin makakalaya si Teves dahil nananatili siyang nakakulong sa Bureau of Jail Management and Penology compound sa Camp Bagong Diwa, dulot ng iba pa niyang kinahaharap na kasong murder, kabilang ang pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Itinakda ng korte ang piyansang P500,000 para kay Teves, habang tig-P250,000 naman para kina Cuadra at Pinili.

--Ads--

Batay sa desisyon ng korte, hindi napatunayan ng prosekusyon na sapat ang lakas ng ebidensya upang patibayin ang kasong murder laban sa mga akusado.