Natagpuang palutang-lutang ang bangkay ng isang lalaki sa Cansan-Bagutari Bridge nitong Lunes, Setyembre 28, matapos itong iulat na nawawala noong Setyembre 26.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Arvin Asuncion, Chief of Police ng Naguilian Police Station, sinabi nitong huling nakita ang biktima noong Setyembre 26 habang naghuhugas ng kanyang tricycle sa bahagi ng Cagayan River na sakop ng Barangay Quirino, Naguilian, Isabela.
Hindi na umano nakauwi ang biktima matapos mag-washing ng kanyang tricycle, kaya kinaumagahan ay ini-report na siya ng kanyang pamilya bilang nawawala.
Agad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang MDRRMO Naguilian matapos iulat ang pagkawala ng biktima.
Ayon kay PCapt. Asuncion, batay sa pahayag ng pamilya, matapos umanong mag-carwash ng kanyang motor ay naliligo rin ito sa Cagayan River, dahilan upang isailalim sa paghahanap ang lugar.
Nang ma-recover ang bangkay, agad na nakipag-ugnayan ang mga imbestigador sa pamilya ng biktima at dinala ang mga ito sa Cabagan Police Station para sa pagkumpirma sa pagkakakilanlan.
Kinumpirma naman ng pamilya na ang natagpuang bangkay ay ang kanilang nawawalang kaanak.
Samantala, nanawagan si PCapt. Asuncion sa publiko na iwasang maligo sa Cagayan River, lalo na ngayong tag-ulan at tumataas ang lebel ng tubig, upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.











