--Ads--

Natagpuang wala nang buhay ang isang 10-anyos na batang lalaki na iniulat na nalunod sa isang ilog sa Barangay Calao East, Santiago City matapos ang halos dalawang araw na search and rescue operation ng mga awtoridad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Regalado Rivera Jr., rescuer ng Rescue 1021 Santiago City, sinabi niyang nakatanggap sila ng ulat hinggil sa isang batang nalunod sa nasabing lugar noong Hulyo 30 na agad nilang nirespondehan katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP) Santiago City. Aniya, nabigo silang mahanap ang bata sa unang araw ng operasyon.

Ayon kay Rivera, bandang alas-2:30 ng hapon noong Hulyo 31 nang matagpuan nila ang bangkay ng bata sa bahagi ng Barangay Divisoria. Nakita umano itong nakasubsob sa mga water lilies at napaliligiran ng ilang patay na hayop. Wala na rin umanong saplot ang bata nang matagpuan.

Batay sa impormasyong kanilang natanggap, tumalon umano ang bata sa ilog ngunit posibleng hindi ito marunong lumangoy. Nabatid na residente ito ng Barangay Plaridel at dayo lamang sa lugar kung saan nangyari ang insidente.

--Ads--

Sinabi rin ni Rivera na ayon sa salaysay ng isa sa mga kasama ng biktima, sinubukan pa umano nilang hilahin ang bata ngunit hindi nila ito kinaya dahil sa malakas na agos ng tubig.

Ipinaliwanag ng rescuer na may mga bahagi ng ilog na mabato ngunit mayroon ding malalalim na lugar na umaabot sa mahigit 10 talampakan ang lalim.

Dagdag pa niya, hindi ito ang unang insidente ng pagkalunod na kanilang naitala sa lugar. Bagama’t mahigpit na ipinagbabawal ang pagligo sa ilog at patuloy itong binabantayan ng mga barangay officials, mayroon pa ring ilang residente na hindi sumusunod sa regulasyon.

Ayon kay Rivera, naging mahirap ang paghahanap sa biktima dahil sa mabilis na agos ng tubig at sa layo ng lugar kung saan ito natagpuan mula sa pinangyarihan ng insidente.

Dahil dito, muling nanawagan ang opisyal sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at huwag hayaang maligo sa mga ilog upang maiwasan ang kaparehong trahedya.