
CAUAYAN – Nagreklamo ang isang residente ng Tagaran, Cauayan City matapos na kinuha umano ng kanilang barangay kapitan ang kambing na ibinigay ng Department of Agriculture (DA) at pinaghati-hatian nila ng kanyang mga kagawad.
Matatandaang namigay ang DA katuwang ang City Veterinary Office ng mga kambing pangunahin na ang mga namatayan ng alagang hayop noong bagyong Ulysses bilang panimula.
Limang kambing ang naibigay sa barangay Tagaran at may isang residente ang nagreklamo na kinuha umano ng kanilang kapitan ang mga kambing at pinaghati-hatian nila ng kanyang mga baragay kagawad.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay punong barangay Wilson Dacuycuy ng Tagaran, Cauayan City, sinabi niya na ang mga kambing na mula sa DA ay hindi niya ipinamahagi sa kanyang mga kagawad kundi ibinigay niya ito sa mga alam niyang naapektuhan sa bagyong Ulysses at sa mga may kakayahan din na mag-alaga ng kambing.
Mas maganda aniyang ipinapastol lamang ang mga ito at kung manganganak ay ipapahiram muli sa iba niyang kabarangay para pagdating ng araw lahat ay magkakaroon na ng kambing.

Aniya, wala silang isinumiteng listahan ng mga pangalan sa City Veterinary Office ng mga apektado sa bagyong Ulysses kaya siya na lang ang namili sa mabibigyan ngunit nagbase pa rin siya sa listahan na hindi nila naipasa sa naturang tanggapan.
Maganda naman aniya ang plano niya sa limang kambing dahil susundin niya ang bilin ng DA.
Mensahe niya sa nagrereklamo sa kanyang ginawa na personal na sabihin ito sa kanya at handa naman siyang bawiin ang mga kambing sa mga nag-aalaga at ibigay ito sa mga nagrereklamo.
Samantala, inirereklamo din ng ilang residente ng barangay Tagaran ang paggamit umano sa barangay service sa personal na lakad ng mga opisyal ng Barangay.
Pinasinungalingan naman ito ni kapitan Dacuycuy dahil ginagamit lamang nila ang barangay service sa pag-iikot sa barangay upang matiyak na maayos ang kanilang nasasakupan.
Ginagamit din nila ito sa pagdadala sa pagamutan sa mga emergency cases sa kanilang barangay.
Aniya, hindi nila kailangang gamitin sa personal nilang lakad ang service ng barangay dahil may sarili naman silang sasakyan.










