--Ads--

Kusang sumuko ang isang barangay kagawad na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa mga awtoridad sa lungsod ng Cauayan bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra kriminalidad.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:15 ng gabi noong Abril 22, nang magsagawa ng anti-criminality operation ang mga operatiba sa pangunguna ni Police Captain Arvin Atienzo kung saan boluntaryong sumuko ang suspek na kinilalang si alias “Noman,” 41-anyos at residente ng Barangay District 3. Ayon sa pulisya, kilala umano ang naturang indibidwal bilang drug peddler sa kanilang lugar.

Isinailalim sa kaukulang dokumentasyon ang suspek at pinapirma ng affidavit of undertaking kung saan nangako itong ititigil na ang paggamit at anumang kaugnayan sa ilegal na droga. Nakasaad din sa kasunduan ang pakikipagtulungan nito sa mga awtoridad sa pagtukoy sa iba pang indibidwal na sangkot sa paggawa, pagbebenta at paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa kanilang komunidad.

Dinala ang suspek sa Cauayan City Police Station para sa booking at karagdagang dokumentasyon, at matapos ang proseso ay pansamantalang pinalaya at ibinigay sa kustodiya ng kanyang pamilya at barangay kapitan para sa mahigpit na monitoring.

--Ads--

Samantala, tumanggi nang magbigay ng pahayag ang nasabing indibidwal nang tangkain itong kunan ng panayam.

Patuloy naman ang panawagan ng pulisya sa publiko na makiisa sa kampanya laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa komunidad.