CAUAYAN CITY- Hindi na umabot ng buhay ang isang barangay kapitan makaraang saksakin sa bayan ng Angadanan, Isabela.
Ang namatay ay si Punong Barangay Guilbert Pascua, 40 anyos, may-asawa habang ang suspek ay si Loreto Antonio, kapwa residente ng San Roque, Angadanan, Isabela
Sa paunang pagsisiyasat ni P/Senior Insp. Fernando Manangan, hepe ng Angadanan Police Station ang biktima at suspek ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo na humantong sa pananaksak ng pinaghihinalaan kay Pascua subalit nakabunot ng baril ang barangay kapitan at naputukan ng isang beses sa dibdib si Antonio.
Agad naisugod sa pagamutan ang dalawa ngunit binawian ng buhay si Pascua dahil napuruhan umano ang kanyang puso habang si Antonio ay kasalukuyan namang ginagamot sa Santiago City.