Mas pinaigting ngayon ang paghahanda ng mga manlalaro sa baseball event ng Cagayan Valley Athletic Association (CAVRAA) Meet 2026, na inaasahang maghahatid ng mas matindi at kompetitibong labanan ngayong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Elwito Pattaguan, tournament director ng baseball event, na kapansin-pansin ang mas seryoso at mas puspusang paghahanda ng mga atleta ngayong taon.
Ayon kay Pataguan, halos kapantay, kung hindi man mas mataas, ang antas ng kakayahan ng mga manlalaro kumpara noong nakaraang taon, kung saan mas lumakas at mas naging handa ang mga koponan sa kasalukuyang kompetisyon.
Dagdag pa niya, malinaw ang dedikasyon ng bawat atleta sa kanilang pagsasanay, bagay na inaasahang magreresulta sa mas dikit at kapana-panabik na mga laban sa kabuuan ng torneo.
Sa kasalukuyan, patuloy na isinasagawa ang baseball competition sa elementary at secondary level, kung saan kapansin-pansin ang matinding bakbakan ng mga koponan.
Para sa bronze medal, nagharap ang SDO Isabela at SDO Ilagan sa isang dikit na laban.
Samantala, sa inaabangang championship game, magtatapat ang SDO Nueva Vizcaya at SDO Cagayan para sa kampeonato sa baseball event.
Patuloy namang inaabangan ng mga manonood ang magiging resulta ng laban, lalo’t kapwa determinadong maiuwi ang titulo ang dalawang koponan.











