Isang drug suspect ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Plaridel, Santiago City.
Ang suspek ay itinago sa alias na “Jay,” 42 anyos, may-asawa, vendor, at residente ng Baliuag, Bulacan.
Ayon sa ulat ng pulisya, nakumpiska mula sa suspek ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na humigit-kumulang ₱49,327 batay sa standard drug price.
Bukod dito, narekober din ang buy-bust money na nagkakahalaga ng ₱50,000, na binubuo ng mga marked bills, gayundin ang isang kulay abong Android cellphone na pinaniniwalaang ginamit sa transaksyon.
Isinagawa ang operasyon ng City Intelligence Unit ng Santiago City Police Office bilang lead unit, katuwang ang Police Station 2 sa ilalim ng koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Matapos ang operasyon, agad na inaresto ang suspek at isinagawa ang pagdodokumento at imbentaryo ng mga nakuhang ebidensya sa mismong lugar, sa presensya ng suspek, mga kinatawan ng National Prosecution Service, at isang kagawad ng barangay.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon naman sa pulisya, patunay ang matagumpay na operasyong ito sa pinaigting nilang kampanya laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa lungsod.











