Kumpiyansa ang Schools Division Office o SDO Isabela na kaya nilang mapanatili ang kanilang titulo bilang overall champion sa ginaganap na Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet 2026, kasunod ng masusing pagsusuri sa naging resulta ng mga nakaraang kompetisyon at kasalukuyang performance ng kanilang mga atleta.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Division Sports Officer Manolo Bagunu, sinabi niya na buo ang kumpiyansa ng kanilang delegasyon na muling manguna sa prestihiyosong palaro.
Ayon sa kanya, hindi lamang pisikal na kahandaan ang pinagtutuunan ng pansin ng kanilang koponan, kundi pati na rin ang mental conditioning at disiplina ng bawat atleta upang masigurong handa silang harapin ang matinding kompetisyon.
Aniya, nananatiling positibo ang pananaw ng mga atleta at coaches na maipagpapatuloy nila ang kanilang dominasyon sa loob ng tatlong araw ng kompetisyon. Dagdag pa niya, kapansin-pansin ang mas pinaigting na determinasyon ng kanilang mga manlalaro, lalo na’t batid nilang mas naghanda rin ang ibang delegasyon mula sa iba’t ibang probinsya sa rehiyon.
Ibinahagi rin ni Bagunu na nagsagawa sila ng serye ng training camps, simulation games, at performance evaluations bago sumabak sa CAVRAA Meet. Layunin nitong matukoy ang mga kahinaan ng bawat atleta at agad itong matugunan sa pamamagitan ng tamang coaching at estratehiya.
Samantala, binigyang-diin din niya ang mahalagang papel ng suporta mula sa lokal na pamahalaan, mga paaralan, at mga magulang ng mga atleta. Ayon sa kanya, ang ganitong uri ng suporta ang nagsisilbing inspirasyon ng kanilang delegasyon upang ibigay ang kanilang pinakamahusay sa bawat laban.
Sa kabila ng tumitinding kumpetisyon, nananatiling determinado ang SDO Isabela na ipakita ang kanilang husay, disiplina, at sportsmanship na mga katangiang nagdala sa kanila sa tagumpay sa mga nakaraang taon.
Patuloy rin nilang hinihikayat ang publiko na suportahan ang kanilang mga atleta habang ipinaglalaban ang karangalan ng kanilang lalawigan sa CAVRAA Meet 2026.











