Nasungkit ng SDO Cagayan ang kampeonato sa Volleyball Secondary Girls matapos dominahin ang SDO Tuguegarao sa straight sets, 26-24, 25-13, 25-18, sa finals ng CAVRAA Meet 2026.
Naging mahigpit ang unang set bago nakalamang ang SDO Cagayan, habang mas naging kontrolado nila ang laro sa sumunod na mga set sa pamamagitan ng mas organisadong depensa, epektibong serbisyo, at agresibong opensa na nagresulta sa 3-0 na panalo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maria Angela Jhessamei Caday ang team captain, sinabi niya na bunga ng tatlong taong pagsubok at paulit-ulit na pagkabigo ang kanilang tagumpay, kung saan sa wakas ay nagbunga ang kanilang mga sakripisyo at paghihirap sa ensayo.
Ayon pa kay Caday, naging susi ang kanyang pagtutok sa pagbibigay ng pinakamahusay na laro sa bawat laban, sa kabila ng mga hamon at hindi madaling pinagdaanang training na puno ng ups and downs.
Dagdag niya, malaki ang naging inspirasyon niya mula sa kanyang mga iniidolo sa volleyball tulad ni Alyssa Valdez, pati na rin sa kanyang mga kasamahan sa koponan, na nagsilbing gabay sa kanyang patuloy na pag-unlad bilang manlalaro.
Samantala, sinabi ni Coach John Carl Abad na mas pinagtibay nila ang kanilang defensive system, serbisyo, at attacking plays bilang bahagi ng kanilang preparasyon, lalo na’t pangatlong beses na nilang sumabak sa CAVRAA.
Inamin din ni Abad na naging hamon ang pagkakaroon ng ilang injured players sa kanilang lineup, ngunit nanaig pa rin ang determinasyon ng koponan upang makamit ang kampeonato.
Nanguna ang SDO Cagayan sa torneo, pumangalawa ang SDO Tuguegarao, habang pumangatlo naman ang SDO Nueva Vizcaya.










