--Ads--

Nagpatupad ang Barangay San Andres, Santiago City ng isang ordinansa na nagtatatag sa BIDA-SUNOG bilang opisyal nitong fire prevention at preparedness program upang mapalakas ang kahandaan ng komunidad at mabawasan ang panganib ng sunog sa barangay.

Ang BIDA-SUNOG o Barangay Inspeksyon Para sa Disiplina at Aksyon ay nakatuon sa pagpapatupad ng regular na inspeksyon, pagpapalawak ng kaalaman sa fire safety, at pagpapalakas ng koordinasyon ng barangay at mga kaugnay na ahensya upang maiwasan ang mga insidente ng sunog.

Ayon kay Kagawad Mario Manuel, Chairman ng Committee on Risk Reduction and Management ng Barangay San Andres at may-akda ng ordinansa, mahalagang magkaroon ng isang pangmatagalang programa upang mapanatiling handa ang komunidad laban sa mga panganib na dulot ng sunog.

Sa ilalim ng programa, magsasagawa ang barangay ng fire safety seminars, fire drills, simulation exercises, at mga pagsasanay hinggil sa tamang paggamit ng kuryente at LPG.

--Ads--

Samantala, nanawagan si Manuel sa mga residente na maging mapagmatyag at responsable sa paggamit ng mga kagamitang maaaring pagmulan ng sunog at makiisa sa mga programang pangkaligtasan ng barangay.