Masinsinang manhunt operation ang ikinasa ng mga awtoridad laban sa mga hindi pa nakikilalang suspek na tumangay sa isang nakaparadang tricycle sa Barangay San Andres, Santiago city nitong hating-gabi ng Abril 27.
Batay sa ulat, nakaparada ang naturang tricycle sa tapat ng bahay ng may-ari nang tangayin ito ng mga suspek.
Nadiskubre lamang ang insidente nang mapansin ng pamilya na nawawala na ang sasakyan, na una pang inakalang ipinahiram lamang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Perla Alcid, sinabi nito na agad nilang inaksyunan ang insidente matapos matanggap ang ulat noong hapon ng Martes.
Aniya, nakipag-ugnayan ang pamunuan ng Barangay Divisoria matapos matagpuan ang sidecar ng tricycle sa bahagi ng irigasyon, na kalaunan ay kinumpirma ng may-ari.
Sa kasalukuyan, hinihintay na lamang ang pormal na turnover ng nabawing sidecar, habang patuloy na tinutunton ng pulisya ang posibleng rutang dinaanan ng mga suspek gamit ang mga CCTV footage at iba pang ebidensya.
Binigyang-diin ni Alcid na ito ang kauna-unahang insidente ng pagtangay ng tricycle sa kanilang lugar kaya’t hinimok niya ang mga residente na paigtingin ang pag-iingat at tiyakin ang seguridad ng kanilang mga sasakyan.
Nanawagan naman ang pulisya sa publiko na makipagtulungan sa imbestigasyon, kasabay ng pagtitiyak na ipagpapatuloy ang operasyon hanggang sa matukoy at maaresto ang mga suspek.










