--Ads--

Magpapataw ng multa ang Barangay San Fermin, Cauayan City sa sinumang mahuhuling magtatapon ng basura sa loob ng kanilang nasasakupan, na mula sa ibang barangay o bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Niño Lucas, head ng Committee on Waste Management  ng San Fermin, sinabi nito na isa ang mahigpit na pagpapatupad ng multa sa mga nakikitang solusyon upang maiwasan ang dumaraming reklamo kaugnay ng mga basurang itinatapon sa kanilang lugar.

Kasunod ito ng pagpapatawag sa mga opisyal ng barangay sa sesyon sa Konseho hinggil sa mga basurang nakakalat at nakaimbak sa kanilang nasasakupan.

Ayon kay Kagawad Lucas, bagama’t tuloy-tuloy ang ginagawag paglilinis at paghahakot ng basura sa kanilang nasasakupan, nagiging problema pa rin ito sa kanila lalo na at madalas umanong nagmumula ang mga basurang nakatambak at nakakalat sa mga lugar na sakop ng barangay sa mga indibidwal mula sa ibang barangay at maging sa ibang bayan.

--Ads--

Dahil dito, ipatutupad na ang pagpapataw ng multa sa mga mahuhuling magtatapon ng basura sa mga hindi tamang tapunan.

Nasa isang libong piso ang kaukulang multa sa unang paglabag o first offense sa pagtatapon ng basura, dalawang libong piso naman sa ikalawang paglabag, at tatlong libong piso sa ikatlong paglabag na may kaakibat na community service.