Arestado ang isang suspek matapos masangkot sa pananaksak at tangkang pamamaril sa Brgy. Turod, Reina Mercedes, Isabela ngayong araw, Mayo 17.
Kinilala ang biktima sa alyas “Manny,” 38-anyos, construction worker, habang ang suspek ay alyas “Antonio,” 52-anyos, kapwa residente ng naturang barangay.
Batay sa imbestigasyon, bandang alas-3:00 ng hapon ay magkakasamang nag-iinuman ang dalawa sa ilalim ng puno nang mauwi sa mainitang pagtatalo. Sa gitna ng komprontasyon, sinaksak umano ng suspek ang biktima sa hita gamit ang patalim.
Hindi pa rito nagtapos ang insidente matapos umuwi umano ang suspek at bumalik na may dalang 12-gauge shotgun at tinangkang barilin ang biktima. Gayunman, hindi ito pumutok kaya’t naiwasan ang mas malalang trahedya.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Reina Mercedes Municipal Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek. Dinala naman sa ospital ang biktima para sa agarang lunas.
Narekober mula sa suspek ang isang patalim na may bahid ng dugo at isang shotgun na walang serial number. Isinagawa rin ang pag-iimbentaryo ng mga ebidensya sa presensya ng suspek at mga opisyal ng barangay.
Kasalukuyan nang inihahanda ang mga kasong kaugnay ng pananaksak at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Paalala ng Isabela Police Provincial Office na ang labis na pag-inom ng alak at init ng ulo ay maaaring mauwi sa karahasan, at hinihikayat ang publiko na idulog sa awtoridad ang anumang alitan upang maiwasan ang kapahamakan.











