Natagpuan ang bangkay ng isang 40-anyos na barangay tanod sa loob ng septic tank sa Sitio Benito, Barangay San Placido, Roxas, Isabela, ilang araw matapos itong unang iulat na nawawala.
Ayon sa ilang residente, nakakita sila ng tila katawan ng tao sa isang bukirin noong Biyernes, Agosto 7. Agad itong sinuri kasama ang mga tauhan ng Roxas Municipal Police Station at nakumpirmang bangkay ito ng nawawalang barangay tanod.
Nakalagay umano sa loob ng konkretong septic tank ang biktima at nakapulupot sa kaniyang katawan ang nylon rope. Natabunan din umano ng graba at buhangin ang naturang tangke.
Samantala, kusang sumuko sa pulisya ang 45-anyos na caretaker ng bukid na kinilala sa alyas na “Mario” at residente rin ng naturang barangay.
Batay sa paunang pahayag ng suspek, magkasama umano sila ng biktima bago ito mawala at nag-inuman. Nauwi umano ang kanilang pagsasama sa pisikal na komprontasyon na humantong sa pagkamatay ng biktima.
Ayon naman sa pamilya ng biktima, nais nila na mapanagot ang taong nasa likod ng pagkamatay ng kanilang kaanak.
Masakit umano para sa pamilya na bago sumuko ang suspek, nakausap pa nila ito at nagpahayag umano ng kahandaang tumulong sa paghahanap sa nawawalang tanod.
Hindi umano nila inakala na ang taong nag-alok ng tulong sa paghahanap ay siya rin palang itinuturong suspek sa pagkamatay ng kanilang kaanak.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong murder laban sa suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya para sa iba pang ebidensiya at impormasyon na maaaring makatulong sa paglilinaw sa insidente.
Umaasa naman ang pamilya na mabilis na uusad ang kaso upang mapanagot ang responsable at makamit ang hustisya para sa kanilang mahal sa buhay.











