--Ads--

Nagmistulang pambihirang souvenir ang mga basurang nakolekta sa labas ng kasal nina pop superstar Taylor Swift at NFL star Travis Kelce matapos itong gawing collectible artwork ng New York-based artist na si Justin Gignac.

Matapos ang kasal ng celebrity couple noong Hulyo 3 sa Madison Square Garden, nagsuot ng tuxedo si Gignac at naglibot sa paligid ng venue upang mangolekta ng mga basurang naiwan sa kalsada. Kabilang sa kanyang nakalap ang mga upos ng sigarilyo, papel na baso, plastic straw, piraso ng tela, candy wrappers, plastic bags, isang ovulation test kit, at maging isang nawawalang kaliwang AirPod.

Inayos ni Gignac ang mga nakolektang basura bilang maliliit na sculpture na inilagay sa airtight plastic cubes. Ayon sa kanya, ang mga ito ay nagsisilbing alaala ng isang makasaysayang okasyon para sa mga tagahanga ng singer.

Sa kanyang website, sinabi ni Gignac na ang mga basurang ito ay mula sa labas ng venue at malapit sa pinagdausan ng kasal. Aniya, hindi siya imbitado sa selebrasyon kaya’t wala siyang nakuhang anumang bagay mula sa loob ng mismong event.

--Ads--

Ang bawat plastic cube na may nakalimbag na “JUST&T MARRIED” at petsa ng kasal ay ibinenta sa halagang 25 dolyar. Ayon kay Gignac, mabilis na nabili ng mga tagahanga ni Swift o “Swifties” ang lahat ng 50 pirasong kanyang inilabas.

Matagal nang kilala si Gignac sa paglikha at pagbebenta ng mga artwork mula sa mga basurang nakokolekta niya sa New York at iba pang lungsod sa Estados Unidos bilang paggunita sa mga natatanging pangyayari. Sinabi rin niyang naghanda siya ng isang espesyal na cube para kina Swift at Kelce sakaling nais din ng mag-asawa na magkaroon ng sariling kopya ng kanyang obra.