Kanselado na ang mga biyahe sa dagat matapos ipatupad ang no-sail policy sa mga karagatang sakop ng sirkulasyon ng Super Typhoon Francisco.
Ito ang isa sa mga hakbang na ipinatupad kasabay ng isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment ng OCD Region 2 bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Alvin Ayson, Information Officer ng OCD Region 2, sinabi niya na wala pa namang naitatalang insidente batay sa kanilang monitoring. Gayunman, patuloy ang koordinasyon ng ahensya sa iba’t ibang tanggapan tulad ng PNP at mga DRRM Council upang matiyak ang kahandaan ng mga komunidad.
Ayon kay Ginoong Ayson, pangunahing nakararanas ngayon ng rough sea conditions ang lalawigan ng Batanes kaya pinapayuhan ang mga residente, lalo na ang mga nakatira malapit sa mga baybayin, na maging mapagmatyag.
Bagama’t hindi inaasahang magla-landfall ang bagyo ayon sa forecast ng PAGASA, maaari pa rin itong magdulot ng malalakas na pag-ulan at hangin sa ilang bahagi ng Region 2, partikular sa Extreme Northern Luzon.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na abiso para sa preemptive evacuation. Gayunpaman, kabilang ito sa mga rekomendasyong tinalakay sa pre-disaster assessment, lalo na para sa mga alagang hayop na nasa mabababang lugar na posibleng bahain.
Samantala, nagpaalala rin ang CAAP sa posibleng pagsuspinde na ng ilang inter-island flights patungo sa mga coastal area, partikular sa Batanes, dahil sa masamang lagay ng panahon.
Pinaalalahanan naman ng OCD ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga weather bulletin at advisory ng PAGASA at mga lokal na pamahalaan, maging handa sa posibleng paglikas kung kinakailangan, at iwasan ang paglalayag at iba pang mapanganib na aktibidad habang umiiral ang masamang kondisyon ng panahon.









