Pinatunayan ni Ydlaz Aleck De Jesus, isang 17-anyos na binatilyong siyentista mula Santiago City, ang kahalagahan ng Sierra Madre Mountain Range bilang natural na depensa laban sa malalakas na bagyo sa pamamagitan ng kaniyang pandaigdigang pananaliksik sa larangan ng geoscience at environmental studies.
Dahil sa kaniyang natatanging pag-aaral, kinilala si De Jesus ng 12th City Council ng Santiago City sa isinagawang 33rd Regular Session matapos siyang maging finalist at tanghaling “Most Creative Project Presentation Awardee” sa international competition na ECOVIEW.
Si De Jesus, residente ng Barangay Patul at estudyante ng Philippine Science High School – Cagayan Valley Campus, ay napabilang sa Top 20 finalists mula sa 96 kalahok na nagmula sa iba’t ibang bansa sa kompetisyong inorganisa ng Ukraine Junior Academy of Science sa ilalim ng pangangasiwa ng UNESCO.
Sa kaniyang research na pinamagatang “Typhoon Impact Mitigation of the Sierra Madre Mountain Range Forest Topography Barrier (2018–2022): A CLMS and NASA Worldview Assessment,” sinuri ni De Jesus kung paano nakatutulong ang Sierra Madre sa pagpapahina ng epekto ng mga bagyong pumapasok sa bansa.
Gumamit siya ng satellite technology, remote sensing, at Geographic Information System (GIS) tools kabilang ang NASA Worldview at Copernicus Land Monitoring Service upang pag-aralan ang epekto ng forest cover at elevation ng kabundukan sa lakas ng mga bagyo.
Ipinaliwanag ni De Jesus na layunin ng kaniyang pag-aaral na makapagbigay ng siyentipikong batayan para sa mas matibay na polisiya ukol sa forest conservation, disaster risk reduction, at environmental protection.
Binigyang-diin din niya na mahalagang mapanatili hindi lamang ang kagubatan kundi maging ang natural na topograpiya ng Sierra Madre dahil may malaking ambag ito sa pagprotekta sa mga komunidad laban sa kalamidad.
Ayon pa kay De Jesus, mahalaga para sa kabataan ang pagiging mausisa at bukas sa mga oportunidad dahil dito nagsisimula ang pagtuklas at pagkatuto sa larangan ng agham.
Sa murang edad, ipinakita ni De Jesus na kayang makipagsabayan ng kabataang Pilipino sa pandaigdigang larangan ng siyensya at inobasyon habang nagbibigay ng mahalagang ambag sa usapin ng kalikasan at kaligtasan ng bansa laban sa mga sakuna.
Home Local News
Teen scientist mula Santiago City “Most Creative Project Presentation Awardee” sa ECOVIEW
--Ads--





