--Ads--

Natagpuang patay sa Cagayan River na sakop ng Amobocan, Cauayan City ang isang lalaki ngayong hapon, May 12, 2026.

Kinilala ang biktima na si Joel Labuguen, tinatayang 40 anyos at residente ng Purok 7, Canangan, Angadanan, Isabela.

Batay sa paunang ulat ng pulisya, dalawang araw umanong nawawala ang biktima bago ito natagpuan sa nasabing ilog.

Ayon sa imbestigasyon, natagpuan ang bangkay ng biktima ng mga mangingisda sa ilog na agad na nagpabatid sa punong barangay. Agad namang ipinagbigay-alam ng opisyal ng barangay sa himpilan ng pulisya, na rumesponde sa lugar at isinagawa ang paunang imbestigasyon.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Elmer Labuguen, kaanak ng biktima, sinabi nito na madalas umanong nawawala ang biktima kaya sanay na silang hindi agad ito hinahanap. Gayunman, napansin umano nila na mas tumagal ang pagkawala nito nitong mga nakaraang araw kaya sila ay nag-alala at nagsimulang maghanap.

Dagdag pa niya, madalas umanong naglalasing ang biktima at may iniindang problema sa pag-iisip, kaya hinala ng pamilya na maaari itong aksidenteng nalunod sa ilog at hindi sila naniniwalang may foul play sa insidente.

Isasailalim pa naman sa masusing imbestigasyon at awtopsiya ang bangkay upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay nito, habang tinitingnan pa rin ang lahat ng anggulo ng insidente.

Patuloy rin ang follow-up investigation ng mga awtoridad upang tuluyang malinawan ang pangyayari.