Nais ng National Bureau of Investigation na maipasa sa Kongreso ang isang batas na magbibigay sa mga awtoridad ng malinaw na legal na batayan upang matutukan at mapanagot ang mga social media troll farm, fake accounts, at AI-generated deepfakes.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, bagama’t may umiiral na Cybercrime Prevention Act of 2012 na ginagamit laban sa online scams, wala pa umanong tiyak na batas na direktang tumutugon sa operasyon ng mga organisadong troll farms.
Ipinaliwanag ni Matibag na gumagamit ang mga troll farm ng coordinated behavior o magkakasabay at planadong pagkilos upang magmukhang totoo, kapani-paniwala, at tila mula sa publiko ang isang pekeng naratibo.
Aniya, mas lumalala ang sitwasyon kapag ang maling impormasyon ay pinaniniwalaan at naipapakalat pa ng mga totoong social media accounts.
Sa kabila ng kakulangan sa legal na batayan, ibinunyag ni Matibag na nakikipagtulungan ang NBI sa Meta at nakapagpatanggal na ng mahigit 2,000 pekeng account mula nang siya ay maupo sa puwesto.
Ayon pa sa NBI chief, ang ilan sa mga nasa likod ng mga pekeng account ay nahaharap na sa kaso, habang ang iba ay patuloy pang iniimbestigahan.
Kasama rin sa planong hilingin ng NBI sa Kongreso ang pagpapatibay ng regulasyon sa Artificial Intelligence, partikular sa paggamit ng mga pekeng video at larawan na ginagaya ang mukha at boses ng ibang tao, dahil maaari itong lumabag sa karapatan sa pribasiya.
Samantala, sinabi rin ni Matibag na kasalukuyang bumibili ang NBI ng mga makabagong kagamitan upang mapalakas ang kakayahan nito sa pagtukoy at pagsugpo sa mga online deception networks.









