Usap-usapan ngayon ang umano’y pagpapakasal nina actress Bea Alonzo at negosyanteng si Vincent Co matapos lumabas ang mga ulat na nagpalitan na sila ng wedding vows sa isang pribadong seremonya sa Makati City noong Hulyo 13.
Batay sa mga ulat, isinagawa umano ang kasal sa Makati City Hall at pinangunahan ni Makati Mayor Nancy Binay. Naging laman din ng social media ang post ni Binay kasama si Bea Alonzo na may caption na “Coffee w/ coffeemate” at hashtag na “#OneMoreChance,” na lalong nagpasiklab sa mga espekulasyon.
Ayon pa sa mga impormasyong lumabas, anim lamang umano ang dumalo sa naturang seremonya at hindi na sinamahan ng mga kapamilya ng magkasintahan. Kabilang umano sa mga naging saksi ang ilang malalapit na kaibigan at mga negosyanteng may kaugnayan sa brand na ka-partner ni Alonzo.
Matatandaang kinumpirma ni Bea Alonzo ang kanyang relasyon kay Vincent Co noong 2025. Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula kina Alonzo at Co hinggil sa mga ulat ng kanilang kasal, bagamat patuloy itong pinag-uusapan ng kanilang mga tagasuporta at ng publiko.








