Prayoridad ngayon ni Bea Alonzo ang pagbuo ng pamilya matapos ang kaniyang civil wedding sa negosyanteng si Vincent Co noong nakaraang buwan.
Kinumpirma ito ng bago niyang manager na si Chris Cahilig, na nagsabing siya muna ang pansamantalang hahawak sa karera ng aktres bilang interim manager o agent.
Ayon kay Cahilig, nasa bagong yugto na ng buhay si Bea matapos ang kaniyang pag-aasawa at nakatuon na ito sa pagsisimula ng sariling pamilya. Gayunman, patuloy pa rin nilang aasikasuhin ang mga natitirang propesyonal na obligasyon ng aktres, kabilang ang mga alok na endorsement.
Lumabas din ang mga ulat na nagbitiw na umano bilang manager ni Bea si Shirley Kuan ilang linggo na ang nakalipas. Bagama’t may mga espekulasyon ukol sa dahilan ng kanyang pag-alis, wala namang opisyal na pahayag na nagpapatunay sa mga ito.
Matatandaang naantala noon ang unang planong kasal nina Bea at Vincent sa Spain dahil sa mga kontrobersiyang lumutang sa panahong iyon. Sa kabila nito, natuloy rin ang kanilang pag-iisang dibdib sa isang pribadong seremonya.











