Nanatiling matumal ang bentahan ng mga school supplies sa ilang tindahan sa lungsod sa kabila ng nalalapit na pagbabalik-eskwela ng mga estudyante.
Batay sa kasalukuyang presyo ng ilang bilihin, umaabot na sa 40 pesos hanggang 65 pesos ang presyo ng notebook at spiral notebook depende sa uri, kulay at kung may notebook cover. Nasa 16 pesos hanggang 34 pesos naman ang presyo ng iba’t ibang uri ng yellow pad habang umaabot sa 90 pesos ang ilang set ng school materials.
Ayon sa ilang tindero at mamimili, bagamat mayroon nang bumibili ng mga pangunahing gamit sa paaralan tulad ng notebook, yellow pad, ballpen at iba pang school materials, hindi pa rin umano ito sapat upang masabing bumalik na sa normal ang bentahan ngayong malapit na ang pasukan.
Ilan sa mga magulang ang nagsabing patuloy nilang iniingatan ang kanilang budget dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin kaya’t mas pinipili nilang bumili lamang ng mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga anak para sa eskwela.
May ilan ding mamimili na naghihintay pa ng karagdagang budget bago tuluyang bumili ng kompletong school supplies.
Ayon kay Sheila Bejidor, mas naging mahirap umano ang pagbabadyet ngayon dahil mula sa dating tatlong libong piso na inilalaan nila para sa school supplies ay umaabot na ito ngayon sa limang libong piso.
Sinabi rin nito na mas pinipili nilang bumili ng dekalidad na school supplies upang mas tumagal ang gamit ng kanilang mga anak. Dagdag pa niya, mahalaga ring gumawa muna ng listahan ng mga kinakailangang bilihin bago pumunta sa mga tindahan upang maiwasan ang labis na paggastos o overspending.
Ayon pa kay Ginang Bejidor, binawasan na rin nila ang ilan sa mga dating binibili dahil hindi na umano sapat ang kanilang budget sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Pinayuhan naman nito ang kapwa magulang na maghanda ng maayos na listahan ng school supplies at magtakda ng budget bago mamili upang mapagkasya ang perang nakalaan para sa pagbabalik-eskwela ng kanilang mga anak.










