Mas paiigtingin ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan ang pakikipag-ugnayan sa mga barangay upang matiyak na mahigpit na naipatutupad ang ordinansa kaugnay sa pagsusunog ng basura sa mga bakuran.
Ito ay kasunod ng pagtaas ng bilang ng grassfire sa Lungsod.
Layunin ng hakbang na masiguro ang mahigpit na pagpapatupad ng ordinansa laban sa pagsusunog sa mga bakuran.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Fire Officer 4 Reagan Bernardo, Chief ng Operations Section ng BFP Cauayan, nagbigay siya ng paalala sa mga barangay officials na bantayang mabuti ang kanilang nasasakupan.
Aniya, kailangang tiyakin na hindi pinababayaan ang mga residenteng nagsusunog ng basura o tuyong dahon sa kanilang bakuran.
Dagdag pa ni Bernardo, mahalagang I-monitor ng mga opisyal ang mga ganitong gawain at huwag itong kunsintihin dahil maaari itong maging sanhi ng sunog lalo na ngayong panahon ng tag-init.
Samantala, patuloy naman ang BFP sa pagsasagawa ng information drive at pakikipagpulong sa mga opisyal ng barangay upang mapalakas ang kampanya laban sa ilegal na pagsusunog.









