Ikinagulat ng ilang motorista ang biglaang rollback sa presyo ng ilang produktong petrolyo sa ilang gasolinahan sa lungsod ng Cauayan ngayong linggo, kahit wala pang opisyal na anunsyo mula sa national government kaugnay ng oil price adjustment.
Ayon kay Ginoong Bonifacio Balanay Jr., branch manager ng isang oil company, ang naturang hakbang ay bahagi lamang ng normal na galaw ng industriya at pakikipagsabayan sa presyo ng iba pang kumpanya sa merkado.
Aniya, kinakailangan nilang iayon ang kanilang presyo sa mga kakompetensya upang manatiling kompetitibo at hindi mapag-iwanan.
Dagdag pa niya, ang pagbabago sa presyo ng langis ay nakadepende pa rin sa galaw ng pandaigdigang merkado, pati na rin sa presyuhan ng ibang oil companies, kaya’t hindi maiiwasan ang biglaang adjustments sa ilang gasolinahan.
Samantala, patuloy naman ang ginagawang monitoring ng mga otoridad sa galaw ng presyo ng langis upang matiyak na nasusunod ang umiiral na regulasyon at maiwasan ang anumang posibleng pananamantala sa mga consumer.









