--Ads--

Naging payapa at maayos ang unang araw ng Undas 2026 sa Cauayan City, Isabela, sa kabila ng ilang suliraning naobserbahan ng Public Order and Safety Division (POSD) sa mga sementeryo at daloy ng trapiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallilin, sinabi nitong kabilang sa mga napansing problema ang kawalan ng maayos na entry at exit points sa isang pribadong sementeryo sa Barangay Tagaran, dahilan upang irekomenda ang paglalagay ng magkahiwalay na entrada at labasan.

Napansin din ng POSD ang umano’y pagkawala ng mga bulaklak at pagkaing iniiwan sa mga puntod, na posibleng kinukuha at muling ibinebenta ng ilang indibidwal.

Samantala, agad namang natugunan ang hirap ng ilang pamilya sa pag-abot sa mga puntod sa matataas na bahagi ng pampublikong sementeryo sa Barangay San Francisco sa pamamagitan ng paglalagay ng mga hagdan.

--Ads--

Ilan din sa mga dumadalaw ang nahihirapang hanapin ang puntod ng kanilang mga kaanak, dahilan upang paalalahanan ni Mallilin ang publiko na dumaan sa tamang proseso at makipag-ugnayan sa kinauukulang tanggapan bago magsagawa ng anumang paghuhukay o exhumation.

Patuloy naman ang pagbabantay ng POSD ngayong ikalawang araw ng Undas upang matiyak ang seguridad ng publiko at maayos na daloy ng trapiko sa lungsod.