Pumalo sa P2.003 trilyon ang kabuuang koleksyon ng Bureau of Internal Revenue o BIR mula Enero hanggang Hulyo 2026, na lumampas sa target nitong P1.990 trilyon nang P13.53 bilyon o 0.68%.
Mas mataas din ito nang P102.60 bilyon kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, katumbas ng 5.4% year-on-year growth.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, nakolekta na ng ahensya ang humigit-kumulang 60% ng kabuuang target collection nito para sa buong taon.
Sinabi ni Mendoza na nagpapakita ito ng tumataas na tax compliance ng mga taxpayer at patuloy na pagsisikap ng Revenue Regions, Revenue District Offices at Large Taxpayers Service.
Para naman sa Hulyo lamang, umabot sa P358.44 bilyon ang gross collection ng BIR, na mas mataas nang P22.37 bilyon o 6.66% sa monthly target na P336.07 bilyon. Mas mataas din ito nang P19.41 bilyon o 5.73% kumpara sa koleksyon noong Hulyo 2025.
Samantala, sinabi ni Mendoza na patuloy na ipatutupad ng BIR ang limang-point reform agenda na “BIR DARES” upang mapalawak ang digital services, mapadali ang proseso ng pagbabayad ng buwis at mahigpit na maipatupad ang batas laban sa mga hindi nagbabayad nang tama.










