--Ads--

Nag-ugat sa biruan ng dalawang magkaibigan ang pananaga na ikinasawi ng isang lalaki sa Purok 1, Barangay San Antonio, Cauayan City pasado alas-3:53 ng hapon kahapon, Pebrero 3, 2026.

Kinilala ang biktima na si Marvin Garcia, residente ng nasabing barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Lieutenant Colonel Avelino Canceran Jr., hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na walang dating alitan ang dalawa at magkasama lamang sa pag-inom bago mangyari ang insidente. Narinig umano ng suspek ang biruan at makalipas ang ilang minuto ay tinaga ang biktima habang nakatalikod.

Nagtamo si Garcia ng pitong sugat sa batok at ulo na agad ikinasawi niya. Hindi nagawang pigilan ng mga kasama ang suspek matapos silang pagbantaan.

--Ads--

Bago ang pananaga, magkaangkas pa sa motorsiklo ang biktima at suspek upang bumili ng alak, kung saan si Garcia ang drayber at ang suspek ang angkas. Nagtatawanan pa umano ang dalawa bago maganap ang krimen. Matapos ang pananaga, tumakas ang suspek patungo sa bukirin.

Kinilala ang suspek na si Felino Valdos, 44-anyos, walang asawa, construction worker, at residente rin ng Barangay San Antonio. Kakaharapin naman nito ang kasong murder habang nagpapatuloy ang follow-up hot pursuit operations ng Cauayan City Police Station laban sa kanya.

Nanawagan si PLtCol. Canceran sa publiko, lalo na sa pamilya ng suspek, na makipag-ugnayan sa pulisya kung may impormasyon hinggil sa kinaroroonan nito upang mabigyan ng hustisya ang biktima at ang kanyang pamilya.