Nananatiling naka-Blue Alert Status ang buong Cagayan Valley sa kabila ng paglabas ng Bagyong Kiyapo sa Philippine Area of Responsibility, habang patuloy na mino-monitor ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2 ang mga lugar na naapektuhan ng sama ng panahon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mia Carbonel, Information Officer ng OCD Region 2, sinabi nitong nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Kiyapo alas-3:00 ng madaling araw nitong Hulyo 25.
Gayunman, sinabi niyang nananatiling nakaalerto ang mga disaster response agencies sa rehiyon habang nagpapatuloy ang assessment at monitoring sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo.
Ayon kay Carbonel, batay sa datos ng OCD hanggang alas-3:00 ng hapon kahapon, Hulyo 24, umabot sa 32 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo, pawang mga stranded passengers sa Batanes.
Ang ilan sa kanila ay pansamantalang nananatili sa mga evacuation center habang ang iba naman ay nanunuluyan sa mga hotel.
Samantala, 38 lungsod at bayan sa mga lalawigan ng Batanes, Cagayan at Isabela ang nagsuspinde ng klase dahil sa epekto ng bagyo, habang siyam na local government units naman ang nagsuspinde ng trabaho sa kanilang mga tanggapan.
Sinabi rin ni Carbonel na may ilang lugar na nagsagawa ng pre-emptive evacuation bilang pag-iingat sa mga residenteng nasa mga hazard-prone areas.
May naitala ring ilang insidente ng pagbaha sa rehiyon ngunit mabilis ding humupa ang tubig.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang monitoring ng mga Local Disaster Risk Reduction and Management Offices habang bineberipika ang lawak ng pinsala at bilang ng mga pamilyang naapektuhan sa mga kritikal na lugar na dinaanan ng bagyo.










