--Ads--

Tiniyak ng Pamahalaang Panlungsod ng Cauayan na rerepasuhin at muling aaralin ang mga umiiral na ordinansa kaugnay ng operasyon ng mga negosyo sa lungsod kasunod ng insidente ng umano’y pambubugbog na ikinasawi ng isang lalaking kostumer sa isang restobar.

Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Cauayan City Mayor Caesar Jaycee Dy Jr. na nakababahala ang ilang establisimyento na tila sumusunod lamang sa mga ordinansa kapag nasita na ng mga awtoridad o kapag may nangyaring hindi kanais-nais sa kanilang negosyo.

Ayon sa alkalde, magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng masusing pagsusuri sa mga umiiral na city ordinances upang matukoy kung alin ang dapat amyendahan, palakasin, o higpitan para matiyak ang mas epektibong pagpapatupad ng mga ito.

Sinabi rin ni Mayor Dy na posibleng naging maluwag ang pagpapatupad ng ilang regulasyon sa nakaraan, dahilan upang may mga paglabag na hindi agad napapanagot o natutugunan ng mga kinauukulang ahensya.

--Ads--

Dahil dito, magsasama sina Mayor Jaycee Dy at Vice Mayor Benjie Dy, katuwang ang mga awtorisadong tanggapan ng pamahalaang lungsod, upang repasuhin at paigtingin ang implementasyon ng mga ordinansa at iba pang regulasyong may kaugnayan sa operasyon ng mga negosyo sa Cauayan City.

Layunin ng hakbang na ito na mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko, gayundin ang pananagutan ng mga establisimyento sa lungsod.

Kasabay nito, nagpaalala ang alkalde sa mga may-ari ng negosyo na responsibilidad nilang tiyaking sumusunod ang kanilang mga establisimyento sa lahat ng umiiral na batas at ordinansa ng lungsod, partikular ang mga regulasyong may kaugnayan sa kaligtasan, kaayusan, at seguridad ng kanilang mga kostumer.