--Ads--

Nababahala ang Federation of Free Farmers (FFF) sa mga ulat na plano umanong ibenta ng National Food Authority (NFA) ang kanilang aging rice o lumang bigas sa pamamagitan ng negotiated sale, na ayon sa grupo ay labag sa umiiral na batas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers, sinabi nitong malinaw sa ilalim ng Republic Act 12078 na maaari lamang idispose ng NFA ang kanilang mga stock ng bigas sa pamamagitan ng public bidding o pagsusubasta at hindi sa negotiated sale.

Ayon kay Montemayor, layunin ng naturang probisyon na maiwasan ang mga iregularidad sa pagtatakda ng presyo at matiyak na magiging patas at transparent ang bentahan ng mga stock ng NFA.

Aniya, kung nahihirapan ang NFA na maibenta ang kanilang aging rice, dapat na lamang nilang ibaba ang floor price nito upang makahikayat ng mas maraming mamimili sa halip na dumaan sa paraang hindi pinahihintulutan ng batas.

--Ads--

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagsasailalim sa mga lumang stock ng bigas sa kaukulang pagsusuri bago ito ibenta upang matiyak na ligtas itong kainin at walang amag o anumang maaaring makasama sa kalusugan ng mga konsyumer.

Sinabi pa ni Montemayor na ang planong disposal ng humigit-kumulang 35,000 metric tons o katumbas ng 700,000 sako ng bigas ay hindi naman malaking banta sa kabuuang suplay ng bigas sa bansa, lalo na’t nalalapit na ang panahon ng anihan.

Gayunman, inamin niyang isa sa mga hamon na kinakaharap ng NFA ay ang kakulangan ng espasyo sa mga bodega dahil sa patuloy na pagdating ng mga bagong stock at sa mabagal na paglabas ng mga naunang naimbak na bigas.

Dahil dito, iminungkahi niyang ilipat ang ilan sa mga stock sa ibang warehouses upang magkaroon ng sapat na espasyo para sa mga palay na mabibili ng ahensya sa darating na anihan.

Samantala, sinabi ni Montemayor na wala pa sa ngayon ang malaking epekto ng habagat sa suplay ng bigas sa bansa at nananatiling sapat ang suplay para sa pangangailangan ng publiko.

Gayunman, aniya, mas malaking hamon para sa NFA ang kakayahan nitong bumili at mag-imbak ng mga bagong ani sa nalalapit na anihan, lalo na sa gitna ng pahayag ng ahensya na bibilhin nito ang mas maraming basang palay mula sa mga magsasaka.