--Ads--

Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyon ng contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya na humiling na baligtarin ang naunang desisyon na nagpanatili sa kanya sa kustodiya ng Senado sa loob ng halos siyam na buwan matapos siyang i-contempt.

Sa resolusyon noong Hunyo 4, sinabi ng CA Third Division na may depekto sa proseso at kulang sa sapat na batayan ang inihain na petisyon ni Discaya. Ayon sa korte, hindi angkop ang ginamit niyang legal na remedyo at sa halip ay dapat na ordinaryong apela ang isinampa.

Pinagtibay ng CA ang desisyon ng Pasay Regional Trial Court (RTC) Branch 297 noong Pebrero 23, 2026, pati na ang kautusan nitong Abril 6, kung saan nakasaad na nabigo si Discaya na patunayang may grave abuse of discretion ang Senado sa pag-contempt sa kanya noong Setyembre 2025.

Ang imbestigasyon noon ng Senate Blue Ribbon Committee ay tumutukoy sa umano’y katiwalian sa mga proyektong imprastraktura, kabilang ang alegasyon ng kickbacks at iregular na pagkuha ng mga kontrata na kinasasangkutan umano nina Discaya at ng kanyang asawa na si Sarah.

--Ads--

Nauna nang ikinulong si Discaya sa kustodiya ng Senado matapos siyang umanong magsinungaling sa ilalim ng panunumpa kaugnay ng hindi pagdalo ng kanyang asawa sa pagdinig.

Sinubukan niyang makalaya sa pamamagitan ng petisyon sa Pasay RTC ngunit ito rin ay ibinasura. Nang iakyat sa CA, natukoy na hindi rin niya nasunod ang mga kinakailangang dokumento at proseso, kabilang ang pagsisilbi ng kopya sa mga respondent.

Ayon sa CA, ang certiorari ay isang espesyal na remedyo na nangangailangan ng mahigpit na pagsunod sa mga alituntunin ng korte.

Samantala, iniutos ng Malolos RTC ang pag-aresto kina Discaya, Sarah, at siyam pang indibidwal kaugnay ng mga kasong graft at malversation na may kaugnayan sa umano’y iregular na flood control project sa Bulacan na nagkakahalaga ng ₱53.9 milyon.

Sa kasalukuyan, si Discaya at dalawa pang co-accused na mga inhinyero ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay nananatiling nakakulong sa Bulacan Provincial Jail.